MANILA, Philippines — Hindi isusuko ng mga Filipino peacekeeper ang kanilang mga armas tulad ng nais ng Syrian rebels na nakapalibot ngayon sa pwesto ng mga sundalo ng Pilipinas sa Golan Heights.
Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gitna ng nagaganap na standoff sa pagitan ng Syrian rebels at Filipino UN peacekeepers, na nagsimula nitong Huwebes August 28, alas-10 ng umaga (oras sa Syria).
Ayon kay AFP Spokesperson Maj. Gen. Domingo Tutaan, may rules of engagement ang mga sundalo at trabaho nila na bantayan ang separation area sa pagitan ng Syria at Israel.
“The peacekeeping contingent has the right to defend his position and the units in line the UN protocol and rules of engagement.”
Sinabi naman ni AFP Peacekeeping Team Commander Col. Roberto Ancan na wala pa namang putukang nagaganap subalit handa ang mga sundalo sa anomang mangyayari dahil armado ng matataas na kalibre ng armas at well-trained ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay nasa position 68 aniya ang 40 Pinoy peacekeepers habang nasa position 69 naman ang 35 iba pa, walong kilometro mula sa binabantayang separation line.
“Our troops there are well armed, they were trained before their deployment ang also they have their organizational training once their deployed and well discipline warrior peacekeepers,” ani Ancan.
Kaugnay nito, idinagdag ng AFP na naipaalam na rin nila sa pamilya ng mga ito ang kalagayan at sitwasyon ng mga Pinoy peacekeeper sa Golan Heights.
Mahigpit naman ang ginagawang koordinasyon ng AFP at DFA sa United Nations hinggil sa sitwasyon ng mga Filipino soldiers sa lugar.
Gayunman, sinabi ni Gen. Tutaan na may ginagawa na silang mga contingency plan upang matapos na ang nasabing scenario para sa kaligtasan ng mga sundalong Pilipino.
“The AFP and the DND are closely coordinating with UNDOF on this matter, we are in direct communication with our peacekeepers and with the UN force headquarters in Golan Heights.”
Ang UN peacekeepers sa Golan Heights ay pinamumunuan ng isang Maj. Gen. Singh A Singh mula sa India kung saan 331 ang Pinoy na nakatakda na sanang umuwi ng bansa sa Oktubre. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)