MANILA, Philippines — Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang air-time limit na ipinatupad ng Comission on Elections o COMELEC sa mga political ads noong may 2013 election.
Sa unanimous na botohan ng mga mahistrado, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Section 9 (a) ng Comelec Resolution 9615.
Sa naturang resolusyon, nililimitahan ng COMELEC ang patalastas ng isang kandidato sa kabuuang 120 minutes sa lahat ng telebisyon at 180 minutes naman sa radyo.
Ayon sa Korte Suprema, labag ito sa kalayaan sa pamamahayag at karapatang makaboto.
Hindi umano makatwiran ang pagbabagong ginawa ng COMELEC sa air-time limit na dating per station ay ginawa itong aggregate total.
Sinabi pa ng korte na wala ring pagdinig na ginawa ang COMELEC bago nito ipinatupad ang bagong air-time limit.
Dahil dito, tuluyan ng ipinagbabawal ng Korte Suprema na ipatupad ang COMELEC ang aggregate air-time limit sa mga susunod na halalan.
Samantala, pinagtibay naman ng kataas-taasang hukuman ang iba pang mga probisyon ng COMELEC resolution kabilang na ang right to reply.
Ayon sa korte, makatwiran na mabigyan ng pagkakataong makasagot ang inaakusahang kandidato at hindi ito maituturing na pabigat sa mga kompanya ng media. (Roderic Mendoza, UNTV News)