Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Bagong sistema upang mapaigsi ang pila ng mga pasahero sa MRT, sinimulan nang ipatupad

$
0
0

Nagpatupad ng bagong sistema ang pamunuan ng MRT na naglalayong mapaikli ang pila sa mga MRT station (UNTV News)

MANILA, Philippines – Inumpisahan nang ipatupad kahapon, araw ng Lunes, ng pamunuan ng MRT ang bagong sistema na naglalayong mapaikli ang pila ng mga pasahero.

Sa pagbisita ng UNTV News sa North Avenue Station kahapon ng umaga, kapansin-pansin na hindi masyadong mahaba ang pila ng mga pasahero.

Kadalasan, lalo na tuwing Lunes ay umaabot ng halos isang kilometro ang pila ng mga pasahero.

Kontrolado rin ang bilang ng mga pinapapasok sa tren.

Kung dati ay pinababayaan lamang na mapuno ng pasahero ang tren, ngayon ay limitado na ito hanggang 600 pasahero.

Mayroon na ring apat na entry points sa North Avenue Station.

“Noon kasi wala tayo pinapagamit na open space dito for waiting area so lahat nasa baba so ngayon with about 500 to 700 people dito sa taas malaking kabawasan na yun sa pila sa baba,” pahayag ni MRT3 OIC Director Renato San Jose.

Samantala, tila wala naman daw nagbago sa mabagal at mahabang pila ng mga pasahero sa mga istasyon ng MRT.

Ayon sa commuter na si Cheska Merino, “Wala, mahaba pa rin nakakapagod pa rin hassle.”

“Parang wala pa rin, parang lalong tumagal ang proseso kasi iikot pa ulit sa ilalim galing pa kami sa baba,” saad naman ni Kevin Trinidad.

Kaugnay nito ay naglagay rin ang pamunuan ng MRT ng mga tent upang masilungan ng mga nakapila, at cooling system upang hindi mainitan ang mga pasaherong naghihintay.

Sa ngayon ay sa North Avenue, Quezon Avenue at Kamuning Station pa lamang ipinatutupad ang nasabing bagong sistema at posibleng sa mga susunod na araw ay gagawin na rin ito sa mga istasyon sa south area kabilang na ang Taft, Ayala at Buendia Station. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481