MANILA, Philippines – Masusing pinag-aaralan sa ngayon ng Department of Justice (DOJ) kung karapat-dapat ilagay sa Witness Protection Program (WPP) ang tatlong testigo sa imbestigasyon ng senado kaugnay ng umano’y anomalya sa pagpapatayo ng Makati City Hall 2 parking building.
Kinumpirma ni Secretary Leila De Lima na hiniling na ng senado na isailalim sa WPP sina dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado at dalawa pang testigo.
“Ini-evaluate na yan ng WPP, yung unang request covering former Vice Mayor Mercado and two others,” anang kalihim.
Humarap sa pagdinig sa senado si Mercado noong August 26 at inakusahan si dating Makati Mayor at ngayon ay Vice President Jejomar Binay na nakinabang umano sa pagpapatayo ng naturang parking building.
Sinasabing overpriced ng P2-billion ang naturang gusali.
Bukod kay Mercado, hiniling ng senado na ilagay din sa pangangalaga ng WPP sina Renato Bondal at Nicolas Enciso.
Samantala, ayon kay De Lima, hindi pa kasama sa request na ilagay sa WPP si Engineer Mario Hechanova, na dating vice chairman ng Makati City Bids and Awards Committee (BAC).
Tumestigo sa pagdinig ng senado nitong nakaraang Huwebes si Hechanova at sinabing kalakaran na ang pagmanipula sa bidding ng mga gusaling ipinatatayo ng pamahalaang lungsod ng Makati.
Umamin din si Hechanova na nakakatanggap siya at iba pang miyembro ng BAC ng P200,000 na monthly allowance kay Vice President Binay noong ito pa ang mayor ng Makati.
Sa ilalim ng Republic Act 6981 (Witness Protection, Security And Benefit Act), maaaring ilagay sa WPP ang mga testigo sa pagdinig ng senado basta’t may rekomendasyon ito ng senate president. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)