MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ngayon ng ilang kongresista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Jejomar Binay.
Ito ang naging suhestiyon ni Albay Governor at Liberal Party member Joey Salceda sa gitna ng kontrobersyal na isyu sa umano’y overpriced na pagpapatayo ng Makati parking building.
Ito aniya ang tamang paraan upang malaman kung may nilabag na batas at panagutin ang bise presidente kaysa pagusapan ang isyu sa hindi tamang forum.
“Ang sabi ko lang gamitin nila ang tamang proseso para kay VP is animpeachment kung talagang may kasalanan ang VP.”
Ayon naman sa mismong anak ng bise president na si Senadora NancyBinay, “I’ve already said na yung Senate Blue Ribbon hearing is not a trial court. It’s not the proper venue, di ko rin maintindihan kung ano pa yung recommendation na pwedeng ibigay nung committee kasi meron ng pending case sa Ombudsman.”
Dahil dito, pinagaaralan na ngayon ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang posibilidad na pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Jejomar Binay.
Aniya, ilang technicalities pa ang kailangan nilang busisiin sa paghahain ng reklamo. Gayunman, naniniwala ito na may grounds ang ihahain nilang reklamo.
“Oo naman, convinced na ko na may kurapsyon talagang nangyayari.”
Ayon naman kay UNA Secretary General Navotas Rep. Toby Tianco, isa lamang itong demolition job laban sa sa bise president na siyang matinding kalaban ng Liberal Party sa 2016.
“Ngayon mukhang hindi hindi lumilipat ang idea ng cha-cha hindi kinagat ng tao ang term extension kaya sinisiraan nila si VP kasi nangunguna siya sa survey.”
Handa namang dinggin ng House Committee on Justice ang anumang impeachment complaint na ihahain sa kanila.
Kung sakali, ito ang kanilang prayoridad at uunahin kaysa sa mga panukalang batas na nakasalang sa kumite.
“Once the impeachment is referred to the committee we are mandated under the constitution to take cognizance,“ pahayag ni House Committee on Justice Chairman Rep. Niel Tupas Jr.
Samantala, hindi naman sangayon ang ilang kongresista sa panukala dahil pagsasayang lamang umano ito ng oras.
Anila, mas maraming importanteng panukalang batas ang dapat na bigyan ng atensiyon ng kongreso gaya ng Cha-Cha, FOI, Bangsamoro, Anti-Political Dynasty bill, budget na mas pakikinabangan ng publiko.
“Election is around the corner and the process if self may not even have enough time to be completed and there are other matters that we should handle,” pahayag ni Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez.
Itinanggi naman ng isa sa mga miyembro ng Liberal Party na isang demolition job ang panukalang impeachment complaint laban kay Binay.
“There is no truth of the said demolition job on VP binay from LP,” ani Iloilo Rep. Jerry Trenas.
Sa kasalukuyan ay nahaharap sa plunder complaint sa Office of the Ombudsman si Vice President Binay at ang anak nitong si Makati Mayor Jun-Jun Binay kaugnay sa umano’y overpriced Makati City Hall parking building. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)