MANILA, Philippines – Walang makukuhang direktang benepisyo ang mga Overseas Filipino Worker sa isinusulong na treaty o kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng bansang Turkey laban sa double taxation.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Jesus Yabes, ito ay dahil exempted na sa taxation on income ang mga OFW sa Turkey.
Humigit kumulang sa limang libong OFW ang nakabase sa Turkey na karamihan sa mga ito ay mga domestic helper.
“Indirectly because most of our OFW’s there are working, not investing,” saad ng opisyal.
Sa kabila nito, sinabi ni Yabes na makatutulong naman sa paglago ng ating ekonomiya ang isinusulong na bilateral agreement, lalo na’t inaasahang makahihikayat pa ito ng foreign investment sa bansa.
“There is a foundation to further strengthen economic cooperation between two countries. Encourage Turkish investors to look at the Philippines as a destination for their business. The agreement also offers incentives and removes all barrier on our econ framework to discourage potential investors in doing business in the PH.”
Sakop ng nasabing treaty ang mga residente ng Pilipinas at Turkey, maging ang taxes on income na ipinatutupad ng dalawang bansa.
Ngunit bago maipatupad ay kailangan munang maaprubahan ng senado ang naturang kasunduan na layuning maiwasan ang tinatawag na double taxation at mapigilan ang pagkakaroon ng fiscal evasion sa pagpapataw ng tax.
Bukod sa DFA, dumalo rin sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs ang Department of Finance (DOF), Department of Justice (DOJ), Department of Trade and Industry (DTI), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Bureau of Internal Revenue (BIR), at isang kinatawan mula sa Republic of Turkey.
Sinuspinde naman ni acting Chairman Sen. Sonny Angara ang pagdinig matapos hindi maibigay ng mga resource person na suportado ang bilateral agreement, ang mga kailangang impormasyon kung papaano nga makikinabang dito ang mga Pilipino.
Sa mga susunod na araw ay muling magsasagawa ng pagdinig ang senado hinggil sa nasabing kasunduan. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)