MANILA, Philippines – Simula sa Sabado, Oktubre 16, ay nasa ilalim na ng COVID-19 Alert Level 3 ang Metro Manila bunsod ng patuloy na pagbaba ng kaso ng hawaan sa rehiyon.
Sa ilalim ng Alert Level 3, pinapayagan ang paglabas sa bahay ng mga tao anuman ang kanilang edad, pagbiyahe sa loob at labas ng rehiyon at indibidwal na pag-eehersisyo sa labas ng bahay.
Ito ay maliban na lang kung may ipatutupad na age at comorbidity restrictions ang nakakasakop na local government unit.
Mas marami na ring establisyemento at business activities ang pahihintulutang magbukas maliban sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdowns.
Bawal pa rin ang pagsasagawa ng face-to-face classes para sa basic education maliban sa mga lugar na aprubado ng pamahalaan.
Hindi rin papayagan ang contact sports pati na ang pagbubukas ng funfairs, kid amusement industries, mga lugar na may live performers at audiences, casinos, horse racing, sabungan, at pagtitipon ng mga residente na may indibidwal na hindi kasama sa bahay.
Sa ilalim ng Alert Level 3, pahihintulutan ang operasyon ng iba pang mga negosyo hanggang 30 percent seating capacity para sa fully vaccinated, at 50 percent outdoor venue capacity, anoman ang vaccination status.
May karagdagang kapasidad din sa mga pinahihintulutang establisimiyento kung may safety seal, at kung naabot na ang higit 70 percent na vaccination rate sa senior citizens at may comorbidities sa lugar.
Para sa mga negosyante, malaking tulong ang pagluluwag sa mga mga panuntunan lalo na sa mga nalalabing buwan ng taon.
Paliwanag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, maisasalba nito ang maraming micro, small and medium enterprises mula sa pagkalugi dahil maraming tao ang gumagastos para sa holiday season.
“What’s more important is really saving this fourth quarter. This is the last stop where people can jump in the bus and move towards next year. But for that to happen, we need to open the economy and safely,” ani Concepcion.
The post COVID-19 Alert Level 3 sa Metro Manila, epektibo na bukas appeared first on UNTV News.