MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng Malacañang ang rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na alisin sa Golan Heights ang mga Pilipinong bahagi ng United Nations (UN) peace keeping mission.
Kasunod ito ng mga ulat hinggil sa mga kaso ng karahasan at pandurukot ng mga rebelde sa Golan Heights na border ng mga bansang Syria at Israel.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inaalam na nila kung kailangan nang i-pullout ang tropa ng Pilipinas doon matapos masugatan sa barilan sa pagitan ng mga rebelde at Syrian military forces ang isang Pilipino at Indian peacekeeper.
Una nang binawi ng bansang Austria ang kanilang pwersa sa Golan Heights dahil sa insidente kasunod ng Japan at Croatia.
Magugunitang nitong mga nakaraang buwan, 25 Filipino peacekeeper ang dinukot ng mga rebelde sa Golan Heights na agad rin namang pinakawalan matapos ang matagumpay na negosasyon. (UNTV News)