MANILA, Philippines – Ipag-uutos na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paglalagay ng Global Positioning System devices (GPS) at speed limiter sa lahat ng mga bus.
Layunin nito na i-monitor ang lokasyon at bilis ng mga bus para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sa tulong ng GPS devices at speed limiter, mamomonitor ng LTFRB at mga bus operators ang eksaktong lokasyon at bilis ng isang pampasaherong bus.
Makatutulong rin ito upang malaman kung mayroong mga bus na lumalabas sa ruta ng kanilang prangkisa at lumalabag sa speed limit.
Bibigyan ng kalayaan ang mga bus company na magdesisyon kung kaninong supplier sila kukuha ng GPS devices batay na rin sa naaprubahan ng LTFRB.
Bawat GPS device ay nagkakahalaga ng P18,000 hanggang P20,000, subalit ayon sa LTFRB naghahanap pa sila ng mga supplier na makakapagbenta sa mas murang halaga.
“We are worried na incase na order kami ng GPS baka ang gawin naman ng operator mag-increase naman sila ng pamasahe,” pahayag ni LTFRB Director Roberto Cabrera.
May ilang bus company na gumagamit na ng GPS at positibo ang nagagawa nito sa kanilang operasyon.
“Nakakatulong sa amin yun in eliminating accidents and at the same time saving on fuel,” ani Kirby Del Castillo, Maintenance Officer ng Isarog Bus Lines.
Subalit, marami pa rin sa mga city at provincial buses ang walang GPS dahil sa mahal ang paglalagay nito na maaaring ikalugi ng mga maliliit na bus company.
“Ang Metro operations pabalik-balik lang yan yung point of origin tsaka yug cost tingin ko mataas kung pagsasamahin mo yung speed limiter, CCTV, GPS more or less nasa isang daang libo yan syempre masakit sa mga bus operators,” giit naman ni Juliet De Jesus, VP ng Integrated Metro Manila Bus Operators.
Ayon sa LTFRB, hindi dapat panghinayangan ng mga bus operator ang malaking gastos sa paglalagay ng GPS at speed limiter sa mga bus kung ang kapalit naman nito ay ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)