MANILA, Philippines – Nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang isa pa sa mga suspek sa nangyaring kidnapping at robbery-hold up sa EDSA-Mandaluyong noong nakaraang Lunes, Setyembre 1.
Si Senior Inspector Allan Emlano na sinasabing AWOL o Absent Without Official Leave ay sumuko sa Quezon City Police Station 1 sa Laloma bandang ala-singko kahapon ng madaling araw, Miyerkules.
Si Emlano ay itinuturo ng naarestong pulis na si PO2 Jonathan Rodriguez na siyang angkas ng motorsiklo na humarang at nag-maneho sa Fortuner na sinakyan ng dalawang biktima.
Mariin namang itinanggi ni Emlano ang ibinibintang sa kanya.
Iginiit rin nito na hindi niya kilala ang pulis na nagdawit sa kanya bagama’t naging kaklase niya sa Philippine National Police Academy (PNPA) ang dalawa sa mga pulis na sangkot sa insidente.
Sinabi naman ni QCPD Director Chief Supt. Richard Albano na malaki ang maitutulong ng pagsuko ni Emlano sa mga otoridad upang mahikayat ding sumuko ang iba pang pulis na isinasangkot sa kaso.
Sa ngayon ay tatlong suspek na ang hawak ng PNP.
Nanawagan naman ang DILG sa mga nagtatago pang pulis na sumuko na dahil itinuturing na silang AWOL.
Sinabi pa nina DILG Secretary Mar Roxas na revoke na rin ang kanilang mga service firearms.
“Hinihikayat ko po kayo na sumurender na po kayo, magpakita na po kayo dahil ang buong pwersa ng PNP ay nakatutok sa inyo at mas mabuti na sa inyong kaligtasan na sumurender na kayo ng maayos.”
Tiniyak din ng kalihim ang pantay na pagtrato sa mga ito hinggil sa nasabing kaso. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)