MANILA, Philippines – Pinawi ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pangamba ng publiko sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga produkto dahil sa nararanasang problema ng congestion sa Port of Manila.
Ayon kay DTI Undersecretary Victorio Mario Dimagiba, ito ay dahil wala pa namang natatanggap na reports o requests ng price adjustment ang kagawaran mula sa mga retailer at consumer.
“So far, we have not received any requests for price increases due to the issue of port congestion.”
Hindi naman inaalis ng DTI ang posibilidad na tumaas nga ang presyo ng mga bilihin dahil sa nararanasang port congestion sa kasalukuyan.
Sinabi ni Dimagiba na ang mataas na transport at port charges sa mga produkto ang dahilan kung bakit posibleng tumaas ang presyo ng ilang bilihin.
Ayon sa kanya, pasanin ng mga trader ang karagdagang charges upang mailabas ang kanilang kargamento mula sa Port of Manila.
Tiniyak rin nito na nakaalerto ang pamahalaan sa pagmomonitor ng paggalaw ng presyo ng mga produkto upang masiguro na makatwiran ang anumang pagtataas ng presyo.
“Everyday, we monitor prices everyday. So far, prices are behaving well within SRPs. Some have increased since last year, but still within SRPs,” ani Dimagiba.
“Assuming na merong magrequest, magbigay lang sila ng docu na before… at ngayon the same number… ito naman ang ginagasta at kailangang i-justify nila,” dagdag pa nito.
Samantala, bunsod ng inaasahang pagtaas ng demand sa mga produkto ngayong ber months, posibleng maglabas ng bagong suggested retail prices o SRP’s ang DTI sa darating na buwan ng Oktubre.
Kasama sa mga produktong pinag-uusapan ang pasta, keso, mayonnaise at creamer.
Matatandaang huling binago ang SRP noong Hulyo 2, 2014.
Binalaan din ng DTI ang mga retailer na sundin ang SRP sa basic at prime commodities.
Sakaling mahuling iligal na nagmamanipula ng presyo ang mga retailer, maaari itong maharap sa administrative fine ng hanggang isang milyong piso, base sa nakasaad sa Republic Act 7581 o ang Price Act.
Maaari rin itong makulong ng hanggang labinglimang taon at magbayad ng multa na dalawang milyong piso. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)