MANILA, Philippines — Ipinaalala ng Bureau of International Revenue (BIR) na simula sa Hulyo 1 ay kailangang bago na ang resibong gagamitin ng mga negosyante sa kanilang mga transaksyon.
Kaugnay ito sa inilabas na bagong patakaran ng BIR ukol sa mga ibinibigay na sales invoices at resibo.
Kasama sa nasabing patakaran na kailangang mag-issue ng bagong official receipt, sales invoices at iba pang commercial invoice ang mga business establishment simula Hulyo 1.
Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, sa pamamagitan ng bagong resibo ay mapipigilan na ang panloloko ng ilang negosyante na gumagamit ng mga peke at outdated na resibo.
“Marami kaming nakikita na wala silang negosyo kundi magbenta lang ng resibo, paghinanap namin ang kumpanya ay wala naman sila, rehistrado sila meron silang invoice pero wala namang negosyo di sila nagre-report ng income tax ng VAT nila, nadidiskubre namin na may sindikato yan.”
Sinabi pa ni Henares na hanggang limang taon lang ang validity ng mga bagong resibo.
Paalala ng ahensya, dapat nang isuko ang mga lumang resibo dahil may multa at karampatang parusa ang hindi mag-iisyu o hindi gagamit ng bagong resibo simula sa unang araw ng Hulyo.
Sinoman na susuway sa naturang regulasyon ay papatawan ng kaukulang parusa at pagmumultahin ng hanggang P50,000.
“Failure to issue receipt, ang penalty dun ay fine from P1K to P50K at imprisonment na not less than one year but not more than four years,” pahayag pa ni Henares. (Lea Ylagan & Ruth Navales, UNTV News)