MANILA, Philippines — Muling nanawagan ang Ecowaste Coalition sa publiko na huwag bumili ng mga laruan na nagtataglay ng nakalalasong kemikal na ibinibenta sa labas ng ilang mga pampublikong paaralan.
Sa pag-iinspeksyon ng ilang environmental at health watchdogs, napag-alamang positibo sa nakalalasong kemikal ang ilang laruan na ipinagbibili mula sa 38 paaralan partikular sa lungsod ng Caloocan, Makati, Malabon, Manila, Pasay, Quezon at Taguig.
Ayon sa Ecowaste Coalition, karamihan sa mga laruan ay positibo sa kemikal na lead, mercury, antimony at iba pang nakalalasong kemikal na mapanganib sa kalusugan lalo na sa mga bata.
Pangunahing sinisira ng lead ang utak at nagpapahina sa intelligence quotient ng isang tao; habang ang mercury naman ay maaring magdulot ng neurological at behavioral disorder.
Nanawagan naman ang Ecowaste sa mga tindera na itigil na ang pagtitinda ng mga ganitong uri ng mga laruan na nakasasama sa kalusugan ng mga bata. (Cecille Bodena, UNTV News)