MANILA, Philippines – Napagalitan nitong Lunes ng mga mahistrado ng Sandiganbayan si PDAF scam whistleblower Benhur Luy dahil sa umano’y naging asal nito sa korte.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Sandiganbayan sa hiling ni Sen. Jinggoy Estrada na pansamantalang makalaya sa kasong plunder kaugnay ng PDAF scam, nagharap sa unang pagkakataon si Benhur Luy at ang akusadong senador.
Umupo sa magkabilang dulo ng courtroom ang dalawa, at hindi nag-usap o nagkabatian.
Sa kalagitnaan ng pagtestigo ni Benhur Luy laban sa senador, pinuna at pinagalitan ng mga mahistrado si Luy dahil sa pangunguna nito sa mga tanong ng prosekusyon.
Ayon sa abugado ni Estrada na si Atty. Alexis Abastillas-Suarez, “Parang hindi niya sineseryoso masyado iyong hearing, yung proceedings today, and he is even trying to coach the prosecutor.”
Napansin rin ng abogado ni Janet Lim Napoles n si Atty. Stephen David ang umano’y hindi magandang asal ni Luy habang tumetestigo sa korte.
Aniya, “Nakakakita ba kayo ng witness na pangiti-ngiti, patawa-tawa sa husgado, wala naman ganun di ba?”
“I’m an officer of the court that I would want to maintain the integrity at decorum sa husgado,” saad pa nito.
Ngunit ayon naman sa kampo ng prosekusyon, walang masama sa naging asal ni Luy.
Ayon kay Atty. Jose Justiniano, “Mas maganda sa witness iyong relaxed, ibig sabihin relaxed ka, kumpiyansa ka na ang sinasabi mo ay totoo.”
Ayon pa kay Atty. Justiniano, bagama’t napuna ng mga mahistrado ang ilang kilos ni Luy kanina, ang korte pa rin umano ang magbibigay ng value sa testimonya ng isang testigo.
Samantala, bukas ay muling ipapagpatuloy ni Benhur Luy ang kanyang testimonya upang patunayan na malakas ang ebidensya sa kasong plunder laban kay Sen. Jinggoy Estrada. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)