MANILA, Philippines – Sa ikaapat na taong pagsali ng aspiring composer na si Febs Colibao sa A Song of Praise Music Festival (ASOP), nakapasok na rin bilang “song of the week” ang kanyang obrang “Purihin ang Dios sa Habang Panahon.”
Ito’y binigyang buhay ng bokalista ng bandang Passage na si Mark Laygo.
Ayon kay Febs, “Wag lang silang mawawalan ng pag-asa tsaka ‘yung makukuha po natin sa mga judge po kasi talagang matututo kang gumawa ng tama hanggang maging perpekto ‘yung awit para sa Dios.”
“I approached it na sige bahala na si Lord sa, kung ipapanalo Niya, no problem. Thank God ‘di ba? So kung itutuloy niya pa hanggang sa susunod na grand finals, bakit hindi,” pahayag naman ni Mark Laygo.
Naungusan ng “Purihin ang Dios sa Habang Panahon” sa iskor ng mga huradong sina Marco Sison, Carla Martinez at Mon Del Rosario ang “Makapangyarihan sa Lahat” ni Higenio Apellanes sa interpretasyon ni Amme Faith Mena at “Biyayang Walang Hanggan” ni Leomel Bato sa rendisyon naman ni Stan Perfecto.
Samantala, painit ng painit ang botohan para sa “People’s Choice” award ng The 3rd ASOP Music Festival grand finals night sa September 23, 2014 sa Smart Araneta Coliseum.
Patuloy ang pangunguna ng awiting “May Awa ang Dios” ni Louise Lyle Robles na inawit ng singing champion na si Beverly Caimen.
Ang deadline ng pagboto ay hanggang sa gabi ng grand finals. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)