Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Benhur Luy, iginiit sa korte na direktang nakatransaksyon si Sen. Jinggoy Estrada ukol sa kanyang PDAF

$
0
0

(Left-Right) Senator Jinggoy Estrada and PDAF Scam Whistleblower Benhur Luy (UNTV News)

MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon, ipinahayag ni PDAF scam whistleblower Benhur Luy na direktang niyang nakatransaksiyon si Sen. Jinggoy Estrada.

Sa kanyang testimonya sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Sandiganbayan 5th Division nitong umaga ng Martes kaugnay sa mosyon ni Senator Estrada na makapagpiyansa sa kasong plunder, sinabi ni Luy na taong 2012 dumalo ang senador sa isa sa mga party ni Napoles na ginanap sa Discovery Suites sa Pasig City.

Lumapit umano si Luy sa senador upang personal na papirmahan ang isang endorsement letter upang ilagay sa isang pekeng NGO ni Napoles ang kanyang pondo.

Sinabi rin ni Luy na kasama ni Jinggoy sa nasabing party ang kanyang ama na si Manila Mayor Joseph Estrada.

Sagot naman ng senador, “Eh hindi pa nga ako nakakapunta sa opisina eh, hindi ko nga alam kung anong floor sa Discovery Suites iyong kanyang office.”

Ayon din kay Benhur, minsan na rin niyang narinig ang paguusap ni Napoles at ng senador sa telepono.

Nagrereklamo umano si Sen. Estrada dahil kulang ng sampung libong piso ang ibinigay sa kanya ni Napoles na komisyon.

Sa loob ng courtroom, ramdam ang pagtutol ni Sen. Estrada sa pahayag ni Luy dahil panay ang pagtayo nito upang kausapin ang kanyang mga abogado.

“Nagtaas na nga ako ng kamay baka sakaling i-recognize ako ng mga justice,” ani Estrada. “Sabi ko you tell the court that I’ve never been to the office of JLN, that the witness is lying,” saad pa nito.

Inamin naman ng senador na pumupunta siya sa mga party ni Napoles, ngunit mariin nitong itinanggi na pumirma siya sa anumang dokumendo na nakaharap si Luy.

Hindi rin umano niya kilala si Benhur Luy, at sa TV lamang niya ito unang nakita nang tumestigo sa Senate Blue Ribbon Committee.

Samantala, mananatili pa rin si Atty Jose Justiniano bilang parte ng prosekusyon matapos hindi pagbigyan ng korte ang hiling ni Sen. Estrada na idiskwalipika ito dahil sa conflict of interest.

“What more can I ask, can I say, the order has already ruled. That means I can already speak,” saad ni Atty. Justiniano.

Hindi rin pinagbigyan ang senador na magsagawa ng committee hearing sa PNP Custodial Center dahil sa kakulangan ng merito.

Sa resolusyon ng Sandiganbayan, muling pinaalalahanan ng korte na suspendido ang senador sa loob ng 90 days kung saan wala itong matatanggap na mga benepisyo at pribilehiyo sa kanyang trabaho. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481