MANILA, Philippines – Hindi tutol si Senador Miriam Defensor Santiago na bigyan ng Kongreso ng dagdag na kapangyarihan si Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon sa senador, dapat ay maibigay na agad sa Pangulo ang hinihinging emergency power upang makagawa ng paraan sa nakaambang power crisis sa 2015.
Nitong Martes, pormal nang tinanggap ng Senado ang liham ukol sa hiling ng Pangulo na dagdag na kapangyarihan batay sa Section 71 ng EPIRA Law.
Ayon pa kay Santiago, sapat na ang anim na buwan para sa sinasabing emergency power at hindi kailangang pahabain ito.
“Look at the emergency in the dictionary, there’s no emergency of one whole year, the only emergency last for a year is when a husband unfaithful to his wife. That’s a marital emergency.”
Ayon sa senador, hindi dapat manatili ang bansa sa ganitong sitwasyon kaya’t maiksi lang ang ibibigay na panahon para sa dagdag na kapangyarihan sa Presidente.
Dagdag pa nito, iba rin ang depinisyon ng emergency power sa ilalim ng konstitusyon ng bansa kumpara sa nakasaad sa EPIRA Law. Aniya, hindi dapat humigit rito ang ipapasa ng Kongreso.
“Because when it be habituated, the President might acquire the attribute of dictatorship, so we gave him a power but only for six months also.”
Sa isang statement, sinabi naman ni Senate President Franklin Drilon na marami pang ibang paraan upang masolusyunan ang nakaambang power crisis.
Ayon sa kanilang isinagawang pag-aaral, mayroong 100 megawatts (MW) na available sa private sector sa mga mall, planta at semi-conductor companies.
Lahat ng mga ito ay may mga backup na generators na maaring magamit.
“Maraming paraan ang pwede nating tingnan bago natin sabihin na kailangan ng emergency powers at kailangan ng P6 billion para magkaroon ng 300 megawatts, dahil pera ng taumbayan ang pinaguusapan natin dito,” ani Drilon.
Ayon naman kay Senador Santiago, wala ng ibang solusyon kundi ang dadag na kapangyarihan para sa pangulo lalo’t wala na ring panahon upang magtayo pa ng karagdagang power plants. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)