BATAAN, Philippines – Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division kasama ang Presidential Anti-organized Crime Commission (PAOCC) ang anim na establisyimento sa Barangay Bonifacio sa Dinalupihan, Bataan na umano’y pugad ng cybersex operations.
Target ng mga operatiba ng NBI ang apat na computer shop na nagsisilbi umanong pugad ng cybersex operations, kabilang ang dalawang kuwarto na tinutuluyan ng mga operator nito.
Tinatayang aabot sa limampung babae at lalaki ang inaresto ng NBI.
Na-recover din sa lugar ang mahigit isandaang computer set at flash drives na ginagamit umano sa operasyon.
Ayon kay Ronald Aguto, hepe ng NBI Cybercime Division, may mga lalake ring nagpapanggap na mga babae kumita lamang sa madaling paraan.
“Nagbebenta sila ng mga pornographic sites at may nak- saves sila na mga pornography, ito yung ginagamit nila para pang-enganyo dito sa kliyente nila and mostly mga kliyente nila mga foreigners,” anang opisyal. “They pretend to be girls or woman tapos nagpapadala sila ng nude pictures para maenganyo sila na mag-member sa mga sites na ito.”
May natanggap ring impormasyon ang NBI na may extortion ring nangyayari sa umano’y cybersex den.
Ayon kay Aguto, “Habang ka-chat nila pahuhubarin nila without them knowing na nirerecord na pala nila yung activity na ginagawa ng kabilang line tapos binabalikan sila.”
Ayon sa isa sa mga suspek, scripted ang ginagawa ng mga babae sa mga kausap nilang mga parokyano.
Tinatayang sampung libong piso ang karaniwang kabuoang kita ng mga ito sa isang kliyente.
Ayon naman sa may-ari ng mga sinalakay na kwarto, dalawang mag-asawa ang umuupa sa compound at limang taon na silang nananatili dito.
Gayunman, hindi niya alam kung ano ang ginagawa o trabaho ng mga ito.
“Ang sabi nila computer eh, nakalagay naman dun yan sa building na not selling for pornographic kaya ako naman napaniwala ako. Kampante ako nang-una kasi kung alam kong illegal yan di sana eh noon pa yan,” paliwanang ni Danilo Cordova, mayari ng sinalakay na establisyimento.
Ang mga babae at lalaki na nahuli ay mula umano sa iba’t ibang lugar.
Samantala, aalamin naman ng NBI kung may mga menor de edad sa mga nahuli at kung sino ang mastermind ng sinasabing cybersex den. (Joshua Antonio / Ruth Navales, UNTV News)