MANILA, Philippines – Palalawigin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ruta ng mga bus sa bansa.
Layunin nito na maserbisyuhan ang maraming mga pasahero lalo na ang mga nasa probinsya.
Kailangan lamang na magpasa ng aplikasyon ang mga bus operator kung anong ruta ang nais nilang palawigin.
Maaaring pahabain o paikliin ng mga bus operator ang ruta sa isang partikular na lugar na sa tingin nila ay makatutulong upang mas maraming pasahero ang kanilang maserbisyuhan.
Nilinaw naman ni LTFRB Chairman Atty. Winston Ginez na hindi ito aplikasyon upang makakuha ng bagong prangkisa para sa isang patrtikular na ruta.
Aniya, ang papahintulutan lamang ay mga bus na mayroon ng prangkisa na ang bawat aplikasyon ay nagkakahalaga ng P20,000.
“Walang karagdagang prangkisa na ibibigay, ito ay walang karagdagang authorize units o karagdagang mga buses sa ating mga lansangan.”
Tinutulan naman ito ng ilang bus operator dahil maaari anila itong makaapekto sa kanilang kita kung hindi mapag-aaralang mabuti ng LTFRB.
Ayon sa mga ito, posibleng magkaroon ng matinding kumpetisyon kung maraming bus ang bibiyahe sa isang partikular na ruta.
Ayon kay SOLUBOA President Jovi Simundac, kung dati ay nakakapuno sila ng pasahero sa isang biyahe, ngayon ay maaari na itong mabawasan.
“I should say meron, medyo mababawasan ang kita.”
Sinabi naman ng LTFRB na ang lahat ng mga aplikasyon ay dadaan sa approval ng ahensya at sisiguruhin nilang magiging patas hindi lamang sa mga nagsumite ng aplikasyon kundi sa mga commuter.
“Tinitingnan rin namin meron kaming pagaaral evaluation kung sa isang ruta ilan talaga ang number units na isasama yung mga nag-propose dun, at sa dami ng mga tao na nandun ngayon, baka mayroong kakulangan kaya maganda na madagdagan ang mga units na bumibiyahe doon,” saad pa ni Ginez.
Ito ay bahagi pa rin ng proyekto ng pamahalaan upang mabawasan ang mga bus na bumabaybay sa kahabaan ng EDSA.
Kung matapos ang aplikasyon sa modification of routes, ganap ng maipatutupad ng LTFRB sa October 17 ang panghuhuli sa mga out of line bus batay na rin sa Joint Administrative Order.
Sa ilalim ng JAO, pagmumultahin ng isang milyong piso ang lahat ng mga bus na mahuhuling out of line. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)