MANILA, Philippines – Posible nang maibaba sa susunod na taon ang edad ng mga indigent senior citizen na sakop ng Social Pension Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, mula sa edad 77 pataas na sakop ng programa ay posible na itong maibaba sa edad 67 pagsapit ng taong 2015.
Dahil ito sa mas malaking pondo na inilaan ng kagawaran sa social pension program na aabot sa mahigit apat na bilyong piso.
“Ito po ay magbibigay ng limang daang piso, para sa mga sickly, frail and walang nagaalagang mga lolo at lola o kung meron man, eh walang kakayanang sapatan ang pangangailangan nila.”
Sakop din nito ang mga senior citizen na walang pensyon na natatanggap mula sa GSIS, SSS, Veterans beneficiaries at iba pang insurance company.
Target ng DSWD na makapagkaloob ng social pension sa mahigit 700-libong benepisaryo.
Layunin ng Social Pension Program na maisaayos ang pamumuhay ng mga mahihirap na senior citizen sa pamamagitan ng pagbibigay ng kakayahan sa mga ito na makabili ng pagkain at gamot.
Naniniwala ang DSWD na malaki ang maitutulong nito upang mabawasan ang kaso ng kagutuman at maprotektahan ang karapatan ng mga mahihirap na matanda sa bansa. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)