MANILA, Philippines – Ipauubaya na ng Malakanyang sa mga kongresista at senador ang pagpapaliwanag sa mas detalyadong mga proyekto na pinondohan ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ito ang pahayag ng palasyo matapos ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang detalyadong listahan ng mga DAP-funded projects.
“Kasi wala tayong dini-disburse na pondo doon sa mga nag-a-identify ng proyekto, pangalawa nasa judgment na po nila yan. It would be their call meron na pong public officials na naglabas ng kanilang listahan kung saan po, kung ano po yung mga proyektong na identify nila,” pahayag ni Usec. Abigail Valte, Deputy Presidential Spokesperson.
Nakadetalye sa 139 pages na dokumento ng DBM ang mga pangalan ng mga senador at kongresista na nag-endorso ng mga proyekto na nasa ilalim ng DAP.
Nakalista din ang ilang mambabatas na nakatanggap ng Special Allotment Release Order o SARO ilang araw bago ma-impeach si dating Chief Justice Renato Corona noong 2011.
Ngunit ayon kay Navotas Representative Toby Tiangco, isa itong “sanitized” o nilinis na listahan.
Ito ay dahil hindi umano nakadetalyeng mabuti ang DAP list projects at sa halip ang nakalagay lamang ay “Various Infrastructure Including Local Projects” (VIILP).
Hinamon naman ni Valte ang mga kritiko ng palasyo na maglabas na lamang ng ebidensyang magpapatunay na sanitized ang naturang listahan.
“The burden them to prove that it is sanitize let us not stop at motherhood statements let us go down and drill with data that would support your assumption that is sanitize,” hamon nito.
Samantala, nirerespeto naman ng Malakanyang ang patuloy na protesta ng ilang grupo na kontra sa DAP.
Kaugnay nito, nanawagan rin si Valte na iwasan sanang makasakit ng tao ang mga nagpoprotesta.
Reaksyon ito ng Malakanyang matapos kuyugin ng ilang estudyante ng UP Diliman campus si Budget Secretary Butch Abad matapos dumalo sa isang forum na may kaugnayan sa budget 2015 nitong Miyerkules.
Nilinaw naman ni Valte na hindi nasaktan ang kalihim sa pangyayari.
“Hindi ko po alam kung tama yung pangunguwelyo, I understand someone grab the collar of Secretary Abad and that’s some of them threw paper I think in his face. Yung mga ganun po siguro wala po dapat sa lugar ng pampublikong diskurso,” pahayag pa nito. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)