Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Maraming lugar sa Rizal, lubog sa baha dahil sa patuloy na pag-ulan

$
0
0

Ang lubog na pamayanan sa Banaba, San Mateo, Rizal dahil sa pag-ulang hatid ni Bagyong Mario nitong Biyernes, September 19, 2014. ( Photoville International / Mark Hirah Adalia)

RIZAL, Philippines – Malaking bahagi ng lalawigan ng Rizal ang lubog ngayon sa baha dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa mga ilog partikular sa San Mateo River.

Sa tala ng Rizal provincial government, umaabot na sa mahigit isanlibong pamilya ang nanunuluyan sa mga evacuation center sa San Mateo at inaasahang tataas pa ito dahil marami pa ang na-trap sa baha at hindi pa nare-rescue.

Hindi rin maaring daanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang Marcos at Sumulong Highways sa Antipolo City gayundin ang Imelda Avenue at Ortigas Avenue extension kaya maraming pasahero ang stranded at minabuting bumalik na lamang sa kani-kanilang mga tahanan.

Samantala, isang landslide rin ang naitala sa Brgy Bagong Nayon, Antipolo kung saan isang bahay ang natabunan ng lupa.

Muntik pang matabunan ng gumuhong lupa ang lalaking nakatira dito ngunit agad naman siyang nasagip ng mga opisyal ng barangay at kasalukuyan nang ginagamot sa Antipolo District Hospital.

Sa bayan naman ng Sta. Cruz ay dalawang bahay ang nasira din ng landslide subalit wala namang nasaktan.

Bukod sa landslide at baha, isang lalaki rin ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team katuwang ang Antipolo rescuers matapos makuryente habang ginagawa ang isang bahay sa Vermont Subdivision.

Ang 24-anyos na biktima na kinilalang si Dondon ay sinasabing bigla na lamang nangisay matapos umano itong makatapak ng live wire.

Samantala, isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Cainta dahil sa malawakang pagbaha at kanselado na ang pasok sa lahat ng antas ng mga paaralan sa buong lalawigan.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng relief operations ang lokal na pamahalaan para sa mga naapektuhan ng Bagyong Mario. (Garry Ybabao / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481