MANILA, Philippines – Ilulunsad na sa Miyerkules, Setyembre 24, ang “continuous trial system” para sa mga criminal cases sa dalawampung mga korte sa Metro Manila.
Kabilang sa mga gagawing pilot volunteer courts ang ilang regional trial courts sa lungsod ng Maynila, Makati at Quezon City.
Bahagi ang continuous trial system ng malawakang reporma ng hudikatura upang mapabilis ang paglilitis at masolusyonan ang tambak na mga kaso sa mga korte sa bansa.
Sa sistemang ito, gagawing araw-araw ang paglilitis ng isang kaso at iiwasan ang mga postponement o pagpapaliban ng mga pagdinig.
Una ng sinabi ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kanyang press conference nitong nakaraang buwan na sa pamamagitan ng sistemang ito ay maaaring madesisyunan ang isang kaso gaya ng drug cases sa loob lamang ng anim na buwan. (UNTV News)