DAVAO CITY, Philippines – Tuloy ang isinasagawang assessment ng lokal na pamahalaan ng Makilala, North Cotabato kasama ang provincial government, PHIVOLCS at Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa laki ng iniwang pinsala ng 4.7 magnitude na lindol sa lugar noong Sabado ng umaga.
Sa paunang tala ng municipal government, 8 barangay ang apektado ng nangyaring lindol partikular ang Barangay Luayon kung saan nagkaroon ng malalaking bitak ang ilang bahay doon.
Mula sa sentro ng Makilala, kinakailangan pang bumiyahe sa maputik at sira-sirang kalsada ng higit isang oras bago marating ang Barangay Luayon.
Sa walong barangay, tatlo ang naitalang nasugatan sa lindol habang nasa 123 na mga bahay naman ang nasira kabilang na ang 31 totally damage o hindi na maaaring tirhan.
Ayon kay Makilala Mayor Rudy Coagdan, ang paggamit ng mga substandard na materyales ng mga residente sa pagpapatayo ng mga bahay ang pangunahing dahilan kung bakit nasira ang ilang mga bahay.
Ayon sa PHIVOLCS-Kidapawan, kung magandang uri ng mga materyales ang ginamit ng mga residente ay hindi ito basta-basta masisira ng nangyaring 4.7 magnitude na lindol.
Kaugnay nito, nagbabala din ang PHIVOLCS sa posibleng aftershock sa susunod na lima hanggang pitong araw. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)