MANILA, Philippines – Nakauwi na sa bansa ang 328 Filipino peacekeepers mula sa Golan Heights matapos ang kanilang misyon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala, dumating kagabi sa NAIA ang 84 na mga sundalo sakay ng isang commercial plane, habang dumating naman noong Biyernes sa Villamor Airbase ang iba pang 244 na sundalo.
Agad namang dinala ang mga sundalo sa AFP Medical Center V. Luna General Hospital upang sumailalim sa medical check-up.
Naiwan naman ang 11 sa mga ito sa headquarters ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF).
Paliwanag ni Zagala, “Meron po tayong natitirang 11 na nandon pa sa UNDOF habang pinoproseso pa nila yung paguwi ng ating mga kagamitan and they will be arriving soon.”
Ayaw namang kumpirmahin ng AFP kung bibigyan ang mga ito ng parangal at promosyon dahil sa ipinakitang katapangan sa naganap na standoff sa Golan Heights noong Agosto partikular sa Position 68.
Sinabi pa ni Zagala na hindi muna magpapadala ang Pilipinas ng peacekeepers sa Golan Heights dahil sa lumalalang sitwasyon doon, gayundin sa Liberia dahil naman sa Ebola virus.
Umalis naman kanina ang may 157 na tauhan ng Philippine Navy kabilang ang 11 opisyal patungong Haiti.
Ang mga ito ang magsisilbing tagabantay sa perimeter ng force headquarters ng UN mission to Haiti, at magbibigay ng administrative
at logistics clerical services.
Ang mga ito ang ika-18 AFP contingents na ipadadala ng pamahalaan sa mga bansang may gulo upang magsilbing tagapamayapa. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)