MANILA, Philippines – Kasabay ng pagdedeklara ng PAGASA sa pagpasok ng tag-ulan sa bansa, nakahanda na rin ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang umalalay sa mga lugar na lumulubog sa baha.
Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., binuo nila ang Oplan Saklolo para sa agarang pagbibigay tulong sa mga kababayan natin na maaapektuhan ng pag-ulan, pagbaha at bagyo sa bansa.
“Ito’y ipapatupad namin nationwide at kinakailangan ang involvement ng lahat ng local PNP units natin hanggang sa level ng mga municipal police stations.”
Sinabi pa nito na handa na rin ang kanilang mga gamit at rubber boats para sa rescue operations.
“Sa kahandaan meron po tayong mga equipment na maari namang gamitin, in terms of training naman at kasanayan ng ating mga pulis marami sa kanila ay specially trained sa nga ganitong klase ng gawain, subalit ang malaking naitutulong ng mga tauhan natin ay ung aming presence sa lahat ng area at pagbibigay ng babala at manpower at distribution ng relief goods,” pahayag pa ni Cerbo.
Panawagan ng PNP sa publiko, makinig sa instructions ng mga otoridad kung kinakailangan nang lumikas sa kani-kanilang lugar sa panahon ng kalamidad. (Lea Ylagan & Ruth Navales, UNTV News)