MANILA, Philippines – Naghahanda na rin ang pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) sakaling magkaroon ng kalamidad ngayong panahon ng tag-ulan.
Sa katunayan, ay nag-inspeksyon na kanina si Commandant Rear Admiral Rodolfo Isorena sa lahat ng kanilang response and rescue equipment upang matiyak na nasa maayos pang kondisyon ang mga ito.
“Yung inspection natin is in showdown of equipment, in preparation for the rainy season in fact panay na ang ulan di ba, tinitingnan natin yung kahandaan ng ating PCG na tumugon sa anumang sakuna na dadating para sa pagpasok ng rainy season ngayong taon.”
Aminado naman ang opisyal na kulang pa rin sila sa gamit tulad ng search and rescue vessels, choppers at islander plane.
Kulang din ang kanilang mga tauhan upang rumesponde sa iba’t ibang sitwasyon tuwing dumadaan ang mga sakuna at kalamidad.
Dahil dito, maging ang mga atleta sa hanay ng PCG ay isasalang na rin sa search and rescue operations sakaling magkaroon ng malalakas na bagyo.
“Maraming kakulangan ang coast guard in terms of equipment and of course pati sa personnel but we make do of what available resources we have.”
Umaasa si Isorena na sana’y dumating na ang sampung 40-meter vessel mula sa Japan at maaaprubahan na rin ang kanilang pondo para sa karagdagang 7 bagong helicopters. (Francis Rivera & Ruth Navales, UNTV News)