MANILA, Philippines – Inusisa nang husto ni Senador Grace Poe si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas tungkol sa isinusulong na lifestyle check sa mga miyembro at opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Secretary Roxas, hindi na bago ang lifestyle check at noon pa ay balak na nilang gayahin ang ginawa noon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Finance para sa Bureau of Customs (BOC).
“So ang NAPOLCOM at para madagdagan pa ang kredibilidad ay nakipag-ugnayan ako kay Commissioner Kim Henares at kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales.”
Kaya naman may kasunduan na aniya ang DILG, BIR at Office of the Ombudsman upang busisiin ang Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) ng mga opisyal ng pambansang pulisya.
Iminungkahi naman ni Senador Poe na bakit hindi na lamang ang NAPOLCOM ang magsagawa ng imbestigasyon.
“Hindi ba pwedeng gawin na, o sige bumuo tayo ng ganito for the long term pero ngayon, NAPOLCOM, umpisahan na natin ito. Dahil
ang liderato at mismong PNP ang nalalagay sa alanganin,” saad nito.
Natalakay rin kanina ang kontrobersyal na bahay at SALN ni PNP Chief Alan Purisima at ang patuloy na pagtaas ng krimen sa bansa.
Tanong ni Sen. Poe kay Sec. Roxas, “Ano po ang marerekomenda ninyo sa Pangulo ukol sa liderato ng PNP.”
“Maselan na bagay ito, kung mamarapatin ninyo hindi ko po gustong lumalim masyado ang ating pag-uusap dahil wala naman po dito yung tao. Alam ko po na kayo ay isang fair na tao,” pahayag naman ni Roxas.
Tinanong naman ni Senador Chiz Escudero si Police Deputy Director General Felipe Rojas, ngunit sinabi ni Roxas na unfair naman kung itatanong ang nasabing isyu sa opisyal lalo’t wala itong alam sa problema ni Purisima.
Giit naman ni Escudero, “It’s not fair to bring up this things when he’s not here but neither is it fair that he is here.”
Sa pagdinig, binasa ni Secretary Roxas ang dokumento mula sa PNP comptroller kung magkano ang ipinagawang white house ng Chief PNP.
“Amounting to P11,462,745, there’s a deed of donation by Carlos Gonzales of Multicon Builders, Atty. Alexander Lopez of Pacific Concrete Corp., Christopher Pastrana of CAPP Industries as donors and PNP Chief Purisima for PNP as done recipient for renovated exclusive residences of Chief PNP.”
Nais naman ni Senador Poe na mag-administrative leave muna si General Purisima dahil sa mga isyu, gaya rin ng panawagan sa ilang senador noon na nasasangkot sa PDAF scam.
Tiniyak naman ni Secretary Roxas na itatawid nito kay Pangulong Aquino bukas ang mga napagusapan at rekomendasyon ng senado ukol sa isyu.
Nilinaw rin nito na ang naturang isyu ay iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsman. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)