MANILA, Philippines – Humiling sa Korte Suprema ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) upang mapigilan ang pamahalaang lungsod ng Quezon na isubasta ang UP-Ayala Land Technohub sa Commonwealth Avenue.
Nitong Hulyo ay inabisuhan ng treasurer ng Quezon City ang UP na ibebenta ang lupang kinatatayuan ng Technohub bilang pambayad sa utang ng unibersidad sa real estate taxes na umaabot sa P117-million.
Sa petisyon, sinabi ni Acting Solicitor General Florin Hilbay na exempted sa real estate tax ang UP base sa charter ng unibersidad.
Nakasaad sa Section 25(A) ng Republic Act 9500 na exempted sa lahat ng uri ng buwis ang UP at sakop nito ang lahat ng ari-arian ng unibersidad.
Hiniling din ng UP na ipawalang bisa ang sinasabing utang nilang buwis.
Pinaunlad bilang isang science and technology park ang Technohub at pinauupahan ito sa mga information technology company.
Ang kinikita sa Technohub ay ginagamit ng unibersidad na pandugtong sa kanilang pondo. (UNTV News)
↧
Pagsubasta sa UP-Ayala Land Technohub, ipinapipigil sa Korte Suprema
↧