MANILA, Philippines – Nagpapasalamat ang mga premyadong performer, composer at musician sa Philippine music industry sa pagkakataong maimbitahan bilang mga hurado sa grand finals night ng A Song of Praise Music Festival (ASOP) Year 3.
Ayon sa singer at composer na si Danny Javier, hinahanggaan nila ang UNTV (Your Public Service Channel) sa pagkakaroon ng natatanging programa sa telebisyon tulad ng ASOP.
“Maligayang-maligaya ang pakiramdam ko sa gabing ito, kasi may palatuntunan pa lang ganito na nagbibigay-daan sa likas na kakayahan ng Pilipino na maglikha ng awitin at ang tema pa ay ang pagpupuri sa Panginoon.”
“From beginning to end, I didn’t regret a single second being here, it was an unforgettable experience. I don’t know what to say, na-touch ako, akala ko it will just be an ordinary thing for me like judging a competition, hindi pala ganuon, na-involve ako bigla, parang na-feel ko talaga siya,” nakangiting pahayag ng “Master Impersonator” at batikang performer na si Willy Nepumuceno.
“Congratulations, it was very wonderful, ituloy ninyo ito hanggang ASOP 10,000 times,” dagdag pa nito.
Itinuturing naman ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon ang ASOP bilang kauna-unahang song of praise writing competition sa telebisyon.
“Kung mayroon mang higit na dapat pag-alayan ng ating mga tinig, ng atin mga talent, walang iba kundi yung pinanggalingan po nito,” pahayag ni Kuya Daniel.
Samantala, nagkamit ng plake ng pagkilala at cash prize na P500,000 ang kompositor ng awiting “May Awa ang Dios” na si Jouise Lyle Robles bilang kampyeon.
First runner up ang “Sa Bawat Araw” sa komposisyon ni Marlon Nabia at inawit ni Shanne Velasco.
Second runner up ang komposisyong “Tanging Gabay” ni Arniel Villagonza at inawit ni Rachelle Alejandro. At third runner up ang awiting “Biyaya” na komposisyon ni Meldin Nabia at inawit ni Bayang Barrios.
Nasungkit naman ng awiting “Hangga’t May Tinig Ako” ang People’s Choice award sa panulat ni Jinnie Adilan, habang itinanghal bilang “Best Interpreter” ang world singing champion na si Beverly Caimen.
Dahil sa ganda ng mga likhang-awit, maging ang mga hurado sa ASOP Year 3 grand finals ay umaming nahirapan sa pagpili ng mananalo.
Ayon kay Danny Javier, “Mahirap manghusga, mahirap talaga manghusga, kaya mabuti na lang marami kami.”
Samantala, maging ang mga nanood ay todo ang suporta sa mga finalist at masayang-masaya sa mga naggagandahang papuring awit sa Panginoon.
“Masayang-masaya ako at higit sa lahat, naantig ang puso ko, kasi praising song yun eh, naririnig mo palang para ka na ring nagdarasal, basta umaawit yung puso mo,” pahayag ni Teresita Purisima, isa sa mga nanood sa ASOP grand finals. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)