MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang flag raising ceremony sa Liwasang Bonifacio sa Maynila para sa selebrasyon ng ika-115 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong araw ng Miyerkules, Hunyo 12.
Alas-7 kaninang umaga ay sabay-sabay na itinaas ang bandila ng Pilipinas sa iba’t ibang makasaysayang lugar sa bansa kabilang ang Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite, Rizal Park, Pinaglabanan Shrine sa San Juan, Barasoain Church sa Malolos, Bulacan, Bantayog ni Bonifacio sa Caloocan at Musoleo Delos Veteranos sa Manila North Cemetery.
Kaugnay ng pagdiriwang, isinara sa daloy ng trapiko ang ilang lugar at mga pangunahing kalsada sa Metro Manila kabilang dito ang Postal Road o Muellee Del Rio Magallanes Drive extension sa paligid ng post office mula Jones Bridge hanggang Mcarthur Bridge.
Sarado rin ang southbound lanes ng Dasmariñas-Plaza Sta. Cruz, Escolta-Plaza sta. Cruz at Mcarthur Bridge, habang northbound naman ang isasara sa Jones Bridge.
Batay sa advisory ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), magkakaroon ng re-routing ng mga sasakyan.
Ang mga manggagaling ng Jones flyover na dadaan ng Magallanes drive extension ay pinapayuhan na dumiretso ng Jones Bridge-Quentin Paredes.
Lahat naman ng sasakyan na manggagaling ng Rizal Avenue na dadaan ng southbound lane ng Mcarthur Bridge ay maaaring gamitin ang Dasmariñas Street, kaliwa ng Juan Luna, kaliwa ng Plaza Cervantes at kanan ng Jones Bridge.
Ang mga provincial bus na manggagaling ng Laguna at Cavite na dadaan ng Taft Avenue patungong Lawton ay pinapayuhan na kumanan ng UN Avenue at kanan ulit ng San Marcelino.
Sarado din ang Rizal Monument o north at southbound lane ng Roxas Blvd. nula Katigbak hanggang TM Kalaw simula kaninang ala-6 ng umaga. (UNTV News)