MANILA, Philippines – Nakahandang tumulong ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isasagawang lifestyle check sa mga pulis.
Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, hinihintay na lamang nila ang guidelines mula sa DILG upang mailatag ng maayos ang magiging papel ng BIR sa isasagawang lifestyle check sa mga kawani ng PNP.
No comment naman si Henares kung may hiwalay na imbestigasyon silang isinagawa kay PNP Chief Director General Allan Purisma na nahaharap sa kasong graft, plunder at direct bribery sa Office of the Ombudsman.
“Wala akong sinasasabing meron wala rin ako sinasabing wala, mahirap magsalita, kung meron kaming gagawin, gagawin namin at kung may resulta ipa-file namin kung deficiency lang naman yun kokolektahin lang namin.”
Gayunman sinabi ni Henares na kung mapatunayang lumabag sa batas ang PNP Chief ay tiyak na kakasuhan ito ng graft and corruption.
“Yung sa code mismo nagsasabi na pag hindi mo na-explain the presumption is na illegally obtained mo yun, yun ang nasa batas.”
Nitong Lunes ay nagtungo ang mga mamamahayag sa Nueva Ecija upang personal na makita ang umano’y P3.7 million na halaga ng bahay ni Purisima na sinabing isa lamang ordinaryong rest house.
Una na ring sinabi ni Purisima na handa ito sa anumang imbestigasyon o lifestyle check na isasagawa sa kanya.
Pero ayon kay Henares, “A house is also a mansion, and mansion is also a house, you know at the end of the day it will be tackled sa lifestyle check.” (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)