MANILA, Philippines – Inerekomenda na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagdaragdag ng kategorya sa bagyo na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa ngayon ay tatlong kategorya lamang ng bagyo ang opisyal na ginagamit ng PAGASA.
Mula sa low pressure area (LPA) ay papasok sa tropical depression category ang bagyo kapag naabot na nito ang lakas ng hangin na 45kph.
Tropical storm naman kung hihigit na sa 65kph, at kapag tumuntong na sa 118kph ay pasok na ito sa kategoryang typhoon.
Sa inerekomenda ng mga forecaster, magiging lima na ang kategorya ng bagyo. Madadagdag ang “severe tropical storm” at ang ginagamit na ng ibang meteorological agency na “super typhoon”.
Ayon kay PAGASA Forecaster Jori Lois, sa ganitong paraan ay mas matatawag ang atensyon ng publiko sa lakas ng bagyong paparating at magagawa pa ang kaukulang paghahanda.
“Kung titingnan natin yung pagsisimula ng bagyo yung pagsisimula ng intensity ng bagyo 118 tapos ang mga bagyo minsan nasa 200 something di ba. So napakalaking diperensya, kailangan na nating bigyan ng emphasis kung alin yung mahinang typhoon at kung ano yung malakas na typhoon.”
Ngayon taon, bagama’t hindi direktang dumaan sa bansa, si Bagyong Ompong (Super Typhoon Vongfong) ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo na pumasok sa PAR.
Hindi nalalayo ang taglay nitong lakas ng hangin sa Super Typhoon Yolanda na nasa 215kph base sa forecast kaninang umaga.
Ani Lois, “Maswerte narin tayo dahil itong 2 bagyo si Neneng at itong si Ompong ay hindi naglandfall sa atin, sinunod lamang niya yung track na nagre-recurred patungong Japan.”
Samantala, hindi pa rin matiyak ng mga siyentipiko kung may nangyayari nang El Niño phenomenon.
Ayon sa PAGASA, kung matutuloy man ang phenomenon, ay mahina lamang ang epekto nito sa bansa.
“Sa ngayon yung El Niño nasa 60-65% pa rin, ibig sabihin kung matutuloy po yan maaaring magkaroon pa rin ng weak El Niño pero sa ngayon nga hindi pa rin masabi ng scientist yung eksakto kung kalian talaga makakaapekto yung El Niño o kung kailan mabubuo talaga,” paliwanag pa ni Lois. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)