QUEZON CITY, Philippines – Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang nangyaring banggaan ng motorsiklo at bisikleta sa Roosevelt Avenue, corner Quezon Avenue, alas-11 kagabi, Miyerkules.
Agad nilapatan ng grupo ng paunang lunas ang driver ng bisikleta na kinilalang si Gilbert Villazar, 30 anyos, na nagtamo ng pinsala sa katawan.
Ginamot naman ng Department of Public Order and Safety (DPOS) Rescue ang sugatan ring motorcycle rider na si Mark Jude Menter, 23 anyos.
Kapwa dinala ng rescue teams sa Capitol Medical Center ang dalawang biktima.
Base sa inisyal na impormasyon, nabangga ng motorsiklo ang bisikleta habang binabaybay ang kahabaan ng Quezon Avenue.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung sino ang dapat na managot sa nangyaring aksidente. (Benedict Galazan / Ruth Navales, UNTV News)