MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagbaba sa 15.29% na bilang ng krimen sa bansa ngayong taon na umabot lamang sa 470,901 kumpara noong isang taon na 555,902 ay hindi pa rin kuntento ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Itinuturing pa ring bagsak sa performance rating ang apat na district director ng National Capital Region kaya’t inalis ang mga ito sa pwesto.
Ayon kay PNP PIO Chief P/SSupt. Wilben Mayor, inaprubahan ni DILG Secretary Mar Roxas ang rekomendasyon nina NCRPO Chief P/Dir. Carmelo Valmoria at PNP Chief Director General Alan Purisima na tanggalin ang mga ito sa posisyon dahil sa mga kaso ng theft, robbery at motorcycle riding criminals.
“May mga crimes na nangyayari at by virtue of command responsibility ay nagkaroon ng movement.”
Kabilang sa mga inalis sa tungkulin sina Manila Police District (MPD) Director P/CSupt. Rolando Asuncion na pinalitan naman ni P/SSupt: Rolando Nana; Quezon City Police District (QCPD) P/CSupt. Richard Albano na pinalitan ni P/SSupt. Joel Pagdilao, Northern Police District (NPD) Director P/CSupt. Edgardo Layon na pinalitan ni P/CSupt. Jonathan Ferdinand Miano at Southern Police District (SPD) Director P/CSupt. Erwin Villacorte na pinalitan ni P/CSupt. Henry Rañola.
Sinabi pa ni Mayor na nais ng pamunuan ng PNP ng bagong mga programa mula sa mga bagong talagang district directors para sa mas epektibong paglaban sa krimen.
“Para ma-attain yung reduction at prevention ng crimes kaya nagkaroon ng mga bagong officials sa ground,” saad pa ng opisyal.
Bukod sa mga district directors ay may 14 na station commanders din ang inalis sa pwesto sa NCR nitong nakalipas na tatlong buwan.
Mga sinibak na station commanders:
P/SSupt. Bernardo Tambaoan (Caloocan-NPD)
P/SSupt. Mario Rariza Jr. (Pasig-EPD)
P/SSupt. Joselito Daniel (San Juan-EPD)
P/SSupt. Florencio Ortilla (Pasay-SPD)
P/SSupt.Osmundo De Guzman (La. Loma-QCPD)
P/SSupt. Norberto Babagay (Novaliches-QCPD)
P/SSupt. Eleazar Matta (Batasan-QCPD)
P/SSupt. Ramon Pranada (Cubao-QCPD)
P/SSupt. Victor Pagulayan (Galas-QCPD)
P/Supt. Luis Francisco (Meisic-MPD)
P/Supt. Rizalino Padrique (Sampaloc-MPD)
P/Supt. Restituto Arcangel (Sta. Mesa-MPD)
P/Supt. Mannan Muarip (Malate-MPD)
P/Supt. Alberto Barot (Sta. Ana-MPD)
Ayon pa kay Mayor, naway magsilbing babala sa iba pang mga opisyal ang ginawang pagbalasa dahil hindi nagbibiro ang pamunuan ng pambansang pulisya sa ginawang audit performance sa kanilang hanay.
“Dapat ay mare-invigorate yung ating campaign against criminality at yung itinalaga ngayon ay mayroon challenge sila na dapat pagbutihin pa nila ang kampanya laban sa krimen otherwise pag di nila na-meet ang standard ng kalihim ay sila ang kasunod,” babala nito.
Sa kasalukuyan ay nakatalaga ang mga inalis na heneral sa opisina ni PNP Chief Director General Alan Purisima. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)