MANILA, Philippines – Matapos lumabas ang isyu ng umano’y kwestyunableng yaman ng kasalukuyang pinuno ng pambansang pulisya na si PNP Chief Director General Alan Purisima, nagpasya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng lifestyle check sa mga pulis.
Uunahin umano sa gagawing pagsusuri ang mga heneral.
Ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa lumalabas ang memorandum circular na magsisilbing giya kung paano isasagawa ang lifestyle check sa mga pulis.
Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, posibleng sa linggong ito o sa susunod na linggo ilalabas ang circular.
Kabilang sa mga lead agency na magsasagawa ng lifestyle check ay ang DILG, NAPOLCOM at PNP.
Naimbitahan naman ang BIR at Ombudsman upang maging bahagi ng review board.
“We were invited to be part of the review board of the body to review and deliberate and make the final decision on the result of the investigation and the other thing to train the people to do this,” saad ni Henares.
Ayon pa rito, batay sa nabasa nitong draft copy ng binabalangkas na memorandum, dalawang instansya ang maaaring isagawa sa lifestyle check.
Una ay kung may reklamo sa isang alagad ng batas, at pangalawa ay bago ma-promote o kapag tumuntong sa isang partikular na ranggo ang isang pulis.
Nilinaw naman ni Henares na hindi nangangahulugang tiwali ang isang pulis kaya iniimbestigahan ang klase ng kanyang pamumuhay.
“So ang gusto ko ipahiwatig hindi porke may lifestyle check mayroon nang katiwalian na nangyayari. Ibig sabihin parang clarify ng memo na proseso ito. Hindi naman ibig sabihin pag iniimbestigahan ka guilty ka na mayroon silang proseso na pag ganito ang ranggo automatic, kung promote ka otomatik may review.”
Dahil sa kinakaharap na kontrobersiya, nauna nang sinabi ni PNP Chief Director General Alan Purisima na handa itong sumailalim sa lifestyle check. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)