MANILA, Philippines – Uumpisahan na ng Department of Education (DepED) ang pagkakaloob ng performance-based bonus (PBB) para sa mga pampublikong guro.
Base sa pahayag ni DepED Assistant Secretary Jesus Mateo, uumpisahan nila ang pagbibigay ng PBB ngayong buwan ng Oktubre.
“Yung performance based bonus natin, ang usapan natin ay dun sa Alliance of Concerned Teachers nga ay mare-release natin ito ng October kasi uunahin muna natin yung mga hanay ng paaralan natin, punong-guro, guro, tapos susundan natin yung mga offices tulad ng divisions, region and center office.”
Ayon pa kay Asec. Mateo, nahuhuli ang pagkakaloob ng performance-based bonus sa mga guro dahil ang evaluation ng performance ng mga paaralan ay ibinabatay sa nakalipas na school year na nagsisimula ng Hunyo.
Hindi katulad ng ibang ahensya ng pamahalaan na pinagbabatayan ang fiscal year na nagsisimula ng Enero.
“Ang binibigay natin ngayong 2014 ay ang performance ng 2013,” saad nito.
Maaari ring tumanggap ng performance-based incentives na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P35,000 ang mga guro sa pampublikong paaralan depende sa naging performance ng isang paaralan.
Kabilang sa tatlong pinagbabatayan: Una ay ang resulta ng national achievement test noong nakalipas na school year, pangalawa ay ang bilang ng student drop out sa isang school, at ang huli ay regular na pagsusumite ng isang paaralan ng liquidation report kaugnay ng maintenance and other operating expenses nito. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)