MANILA, Philippines – Sariling desisyon ni Justice Secretary Leila De Lima ang mag-imbestiga sa kontrobersyal na isyung kinakaharap ngayon ni Vice President Jejomar Binay.
Sinabi ni De Lima na ang pagmo-monitor ng kagawaran sa mga pangyayari at imbestigasyon na may kinalaman sa umano’y anomalya na kinasasangkutan ng bise presidente ay hindi pamumulitika kundi pagganap ng kaniyang tungkulin.
Muling binigyang-diin ng kalihim na hindi selective justice kung iimbestigahan man ng DOJ at NBI ang mga kontrobersyang kinakaharap ni Vice President Binay kaugnay ng overpriced Makati City Hall parking II building.
“Tingnan ninyo lang po yung mga ginawa namin at ginagawa pa ng DOJ at NBI, yung usapin ng PDAF, yung usapin ng DAP, continuous pa rin ang investigation ng DOJ, Ombudsman has been doing it’s share,” saad nito.
Handa rin umano ang DOJ na mag-imbestiga sa kumakalat na organisadong pagpapabagsak sa pangalawang pangulo o ang “Oplan Stop Nognog 2016” kung hihilingin sa kanila.
Binatikos naman ni Senador Miriam Santiago ang patuloy na pagtanggi ni VP Binay na humarap sa imbestigasyon ng Senado.
Sinabi ni Santiago na kung wala talaga itong ginawang masama ay dapat magprisinta na siya ng mga ebidensya bilang depensa sa mga akusasyon sa kanya.
“Kasi nga sabi ng Korte Suprema kapag di ka sumagot siguro guilty ka it says silence in such cases always construed as implied admission of truth. Silence gives consent,” anang senadora.
Sagot naman ni Vice Presidential Spokesperson for Political Affairs Governor Jonvic Remulla, walang kinakatakutan si VP Binay.
Inaasahang muling magkakaroon ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Sub-committee sa pagbabalik sesyon ng kongreso sa susunod na linggo ayon kay Senador Antonio Trillanes IV. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)