MANILA, Philippines – Muling nanawagan sa pamahalaan ang iba’t ibang children’s rights organizations sa pangunguna ng Child Rights Network (CRN) na ipasa na sa kongreso ang panukalang magsusulong ng positibo at hindi marahas na pagdidisiplina sa mga bata o ang House Bill 4455 (Positive and Non-violent Discipline of Children Act).
Base sa pag-aaral na ginawa ng grupong Save the Children noong 2005, nakararanas ng pagpaparusa ang 85 porsyento ng mga bata sa Pilipinas.
Karaniwan dito ay ang pamamalo gamit ang kamay o ibang bagay tulad ng walis, tsinelas, o kaya ay kahoy.
Sa ngayon ay aprubado na sa committee level ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala, subalit nakabinbin pa rin ito sa Committee on Women, Family Relations and Gender Equality ng Senado.
“Kami po ay nanawagan sa ating mga mambabatas na suportahan ninyo po itong panukalang batas sapagkat napakaimportante po nito upang wakasan ang mga karahasan sa mga kabataan,” panawagan ni PLCPD executive director Romeo Dongeto.
Ayon sa Child Rights Network, ang pagkakaroon ng sugat at latay ng mga bata dahil sa matinding pagpaparusa ay nagdudulot sa mga bata ng mababang tiwala sa sarili, pagkabalisa at pagkatakot.
Bukod pa rito ay ang pagkatuto nila ng negatibong pag-uugali.
“Ang natututunan nila sa pagpaparusa sa karanasan nila na sila ay napaparusahan, ay yung ok lang naman kung mayroon kang conflict with someone else lalong-lalo na kung ito’y less powerful than you or mas maliit sa iyo. So natututo sila ng aggressions to resolve conflict,” paliwanag ni Save the Children Child Protection Advisor Wilma Bañaga.
Dagdag pa ng Child Rights Network, makakamit ang isang komunidad na may hustisya at kapayapaan kung mag-uumpisa ito sa bawat tahanan kasama ang mga kabataan.
At matutupad lamang ito kung magpapakita at magtuturo ng mabuting halimbawa ang mga katandaan sa mga kabataan. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)