MANILA, Philippines – Kaalinsabay ng pagdiriwang ng International Lead Poisoning Prevention Week ay muling nagpaalala ang mga dalubhasa sa publiko lalo na sa mga magulang sa masamang epekto ng lead o tingga sa kalusugan ng tao.
Ayon sa World Health Organization (WHO), kada taon ay nadadagdagan ng 600-libong bagong kaso ng lead poisoning sa buong mundo.
Nagreresulta ito ng intellectual disabilities na nagiging sanhi ng kamatayan kung hindi maaagapan.
Isa sa pangunahing epekto ng lead sa isang bata ay ang pagbaba ng kanilang Intelligence Quotient o IQ.
Ayon kay Dr. Cristina Agbayani, oras na makain ng bata ang isang bagay na may mataas na lead content ay napipinsala nito ang utak nito.
Bumabagal rin ang paglaki ng mga buto, nagkakaroon ng problema sa panding at mental retardation.
“Pwede sya maging sanhi ng seizure o pagkukumbulsyon, pangingisay. Sa mga bata naman po na nasa sinapupunan nagkakaroon po ng abnormalities sa mga buntis. Pwede rin pag inilabas naman ang bata pwedeng ma-contaminate ng lead pwede sila magkaroon ng problema sa IQ o mahirap ang kanilang learning ability,” paliwanag ni Dr. Agbayani.
Bunsod nito, isang programa ang isinagawa ng Ecowaste Coalition upang mamulat ang mga magulang at publiko sa panganib na dulot ng lead.
Ayon kay Ecowaste Coalition Communication Officer Jeiel Guarino, dapat maging maingat ang publiko lalo na ang mga magulang sa pagbili ng produkto lalo na kung para sa mga bata.
Dapat ding iwasan ang mga laruang may matiitngkad na kulay lalo na kung walang proper labeling.
“Sa toys, kapag laging basa ang kamay posibleng nagfa-fade yung color napupunta sa kamay at pag isinubo ng bata posibleng maging ground of exposure,” paalala ni Guarino. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)