BOHOL, Philippines – Unti-unti nang sumisigla ang turismo sa Bohol na malubhang napinsala ng magnitude 7.2 na lindol noong nakaraang taon.
Ayon sa Bohol Tourism Office, malaki ang iniwang pinsala ng lindol sa turismo ng lalawigan. Bukod sa mga nasirang tourist spots ay hindi pa rin ligtas pasyalan ang maraming lugar sa Bohol dahil sa banta ng pagguho.
Batay sa ulat, umabot lamang sa mahigit 60-libong turista ang nagpunta sa Bohol noong last quarter ng 2013.
Sa kabila nito, nakapagtala naman ang Bohol Tourism Office ng mahigit 92-libong tourist arrivals sa unang bahagi ng 2014, at nadagdagan pa ito sa ikalawang bahagi ng taon.
Naniniwala ang Bohol Tourism Office na isa itong indikasyon na nakakabangon na ang tourism industry sa kabila ng trahedya.
“We are hoping that December na merong mga tao… to go for holidays considering mahaba ang holidays we are looking they are going to send for that,” saad ni Bohol Tourism Office Head Jo Cabarrus.
Kabilang sa mga pamosong lugar sa Bohol ang Chocolate Hills, ngunit ang mga naggagandang beach resorts dito ang binabalik-balikan ng mga turista.
Patok ring destinasyon ang Bohol para sa mga turista na mahilig mag-nature trip kagaya ng “Bugoy Bikers” na hindi kinakalimutan na isama ang Bohol sa kanilang package tour.
“Its nice to see that improving again, tourists are coming back it helps everybody,” pahayag ni Bugoy Bikers Head Jens Funk.
“You will never regret coming here, peace and really nature at its best and sana tulungan nyo kami na makabangon after the earthquake,” paanyaya naman ni Lilia Dahan, ang Owner ng Bohol Paradise Hills Resort.
Umaasa ang mga Boholano na tuluyan nang babalik sa normal ang turismo sa lugar upang magkaroon sila ng mapagkakakitaan.
Patuloy din ang paanyaya ng pamahalaang panlalawigan sa mga turista na pasyalan ang Bohol bagama’t patuloy pa rin ang isinasagawang rehabilitasyon sa mga napinsalang lugar. (Naomi Sorianosos / Ruth Navales, UNTV News)