MANILA, Philippines – Pinag-aralan ng mga hepe at tagapagsalita ng lahat ng sangay ng Philippine National Police (PNP) ang tamang pagharap at pakikitungo sa media sa ginanap na tatlong araw na seminar.
Layunin nito na maging maayos at makabuluhan ang relasyon ng PNP at mamamahayag.
Ayon kay PNP PIO Chief P/SSupt. Wilben Mayor, kasama sa itinuturo ay ang pagkakaroon ng kumpiyansa sa pagsasalita upang maiparating ng maayos ang mga programa ng pambansang pulisya.
“Iti-train natin sila kung paano ang pagsasalita, paano ang appearance mo, lahat ng aspeto ng isang police officer na maging confidence sya sa pakikipagharap sa media, at bago maging confident ang isang tao ay nandon na yung skills mo para maging maayos ang presentasyon niya sa media.”
Sinabi pa ni Mayor na pagkatapos ng naturang seminar ay wala nang dahilan ang sinomang opisyal at tagapagsalita ng pulisya na magtago at tumanggi sa pakikipanayam ng media.
“Ang intensyon dito ay magiging accessible ang ating kapulisan, PIO, commanders, sub-station commanders, chief of police, regional directors sa media para makita ng publiko kung ano ang ginagawa ng kapulisan,” saad pa nito.
Papatawan ng kaukulang sanction o parusa ang sinomang PIO official sakaling may nakarating sa kanilang sumbong na hindi pagpapaunlak sa mga mamamahayag.
“Kung hindi sya sumagot ay ang maaring sanction don ay neglect of duty,” babala ng opisyal.
Gayunman, umapela naman si Mayor sa mga mamamahayag na bigyan din ng kaukulang panahon ang mga opisyal at tagapagsalita ng PNP upang masagot ang mga katanungan at isaalang-alang ang kanilang sitwasyon sa ilang pagkakataon. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)