MANILA, Philippines – Nananawagan ang Philippine Nurses Association (PNA) sa pamahalaan na ipagkaloob na ang matagal nang naaprubahang salary grade ng mga nurse sa bansa.
Ayon kay Roger Tong-an, ang national president ng PNA, taong 2002 pa naaprubahan ang salary grade 15 kung saan aabot ng mahigit P24,000 ang basic pay ng mga nurse.
Sa kabila nito, nanatiling salary grade 11 o katumbas ng mahigit P18,000 ang tinatanggap na sahod ng mga nurse sa ngayon, habang ang mga nurse na nasa pribadong ospital ay mababa pa sa 18-libong piso ang sinasahod.
Ayon kay Tong-an, dapat lamang na sinusuklian ng tamang sahod ang magandang serbisyo na ibinibigay ng mga nurse.
“Ang reason ng DBM, we receive a letter walang budget.”
Ayon sa PNA, isa ang mababang pasahod sa mga dahilan kaya’t bumaba na ang bilang ng mga kumukuha ng kursong nursing sa bansa.
At dahil mababa ang sahod, nagkukulang ng nurses sa mga ospital ng gobyerno sa kabila ng maraming nursing graduates at board passers ang walang trabaho sa ngayon.
Ayon kay PNA VP for Programs and Development na si Edward Malzan, ang dapat na ratio na 1 nurse sa 12 pasyente ay nagiging 1 nurse para sa 50-60 patients.
“Hindi priority ng government ang health ang kalusugan ng ating mamamayan na ito dapat binibigyan ng prayoridad. Dahil konti budget ng DOH unlike other agencies kaya di nakaka-create ng mga position for nurses,” saad nito.
Bunsod nito, isang signature campaign naman ang isasagawa ng Ang NARS Party-list kung saan target nilang makakuha ng isang milyong lagda na isusumite sa pangulo upang aksyunan ang hinihinging umento sa sahod ng mga nurse.
Nakahain din sa kongreso ang labing-isang panukala kabilang na ang pagtataas sa sahod ng mga nurse na palaging nasa peligrong mahawa ng mga pasyenteng kanilang inaasistehan.
Samantala, malaking oportunidad naman para sa mga nurse sa Pilipinas ang ASEAN Integration 2015 sa susunod na taon upang makapagtrabaho sa ibang bansa. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)