Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

AFP, magsusumite ng sulat sa German Embassy at Bureau of Immigration dahil sa maling inasal ni Marc Susselbeck

$
0
0

Ang pag-akyat sa gate ni Marc Susselbeck na kasintahan ng napatay na transgender sa Olongapo nitong Miyerkules sa Camp Aguinaldo. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Walang nagawa ang mga Pilipinong sundalo nang akyatin nitong Miyerkules ng kapatid at kasintahan ni Jeffrey Laude alyas Jennifer ang bakod ng isang restricted area sa Camp Aguinaldo kung saan nakaditene si U.S. Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton.

Makikita rin sa video kung paano itinulak ng German fiancé ni Jeniffer na si Marc Susselbeck ang isang Pilipinong sundalo.

Ayon kay AFP PAO Chief, Lt. Col. Harold Cabunoc, malinaw na paglabag ito sa Presidential Decree No. 1227 o ang batas na nagpaparusa sa sinumang ilegal o walang pahintulot na pumasok sa mga base militar sa bansa.

“Idaan nila sa legal process, hindi pupwede na ang gawin natin ay akyatin itong aming facility dahil may sinusunod kami at yung aakyat po diyan, trespassing po yan.”

Bunsod nito, balak ng AFP na sulatan at magsumite ng incident report sa German Embassy at Bureau of Immigration (BI) dahil sa misbehavior ni Susselbeck.

Dagdag pa rito, gusto rin ng AFP na makakuha ng impormasyon sa tunay na pagkatao ng German national.

Giit ni Cabunoc, kahit ang AFP Chief of Staff ay hindi otorisadong magbigay ng pahintulot sa sinuman na makita ang akusadong si Pemberton.

“Dahil napakaliwanag, kahit si Chief of Staff ay hindi maaaring mag-authorize sa pagbisita sa akusado. Simply because wala sa kaniya ang level kundi sa United States.”

Samantala, humingi na ng paumanhin si Marc Sueselbeck sa kanyang maling inasal.

“Right now, we’re busy preparing para dun sa may funeral tomorrow, ano man ang gawin ng authorities ngayon then we will make the necessary action. Once we received whatever it is that will be coming from them. As of now, we haven’t received any except for the press statement that was issued by Gen. Arthur Ang,” pahayag naman ni Atty. Virgie Suarez, ang abugado ng pamilya Laude. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481