Kansas, USA – Isang sanggol na hindi mapigilan ang pagdurugo sa kanyang utak ang nailigtas ng mga doktor sa Kansas, USA matapos operahan gamit ang superglue.
Si baby Ashlyn Julian mula sa Olathe, Kansas, USA ay na-diagnose na may sakit na aneurysm o ang abnormal na paglaki o paglobo sa isang bahagi ng ugat.
Ayon sa mga doktor, bihira sa mga sanggol ang ganitong sakit at sa kaso ni baby Ashylyn, nagdudulot ito ng pagdurugo sa dalawang bahagi ng kanyang utak.
Dahil delikado at walang infant size na gamit sa operasyon ang brain surgeons, nagpasya silang gumawa ng kakaibang hakbang upang sagipin ang buhay ng sanggol.
Gamit ang mga instrumentong kasinlaki lamang ng pencil lead at kasing-nipis ng isang hibla ng buhok, nagawa ng mga duktor na pasukin ang utak ng sanggol at lagyan ng superglue ang depektibong ugat nito.
Tumagal ang operasyon ng halos 45-minuto.
Ayon kay Dr. Koji Ebersole, Endovascular Neurosurgeon ni baby Ashylyn, posibleng tumagal pa ng ilang araw bago tuluyang maialis ang fluid sa utak ng sanggol para siya’y tuluyang gumaling. (UNTV News)