MANILA, Philippines – Kakaunti ang mga Pilipinong nakiisa sa Overseas Absentee Voting (OAV) na isinagawa sa iba’t ibang bansa.
Sa Ghana, Africa, nasa 30-porsiyento lamang ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang nakaboto ngayong eleksyon sa bansa.
Ayon sa Pakikipag-isa ng mga Pilipino sa Ghana (PILSAG) sa mahigit 200 registered voters sa Ghana ay nasa 30 botante lamang ang nakaboto.
Pangunahing dahilan umano ay ang pagka-delay ang mga balota na dapat sana’y naipadala ng mas maaga sa kani-kanilang tahanan upang umabot sa deadline.
Sa South Korea, sa kabila ng patuloy na tensyon sa Korean Peninsula, nakiisa pa rin ang mga Pinoy doon upang humabol sa huling araw ng botohan sa embahada.
Subalit ayon kay Consul Roderico Atienza, mababa pa rin ang bilang ng mga bumoto ngayong taon.
“Dito sa Korea marami naman pong bumoto kaya lang ang naging tendency in comparison sa pinakahuling eleksyon mas baba po ng konti kaysa nung huli.”
Sa Abu Dhabi, bagama’t marami rin ang nakiisa at humabol sa huling araw na botohan, mababa pa rin daw ito kumpara noong nakaraang taon.
Gayundin sa Japan, umaabot lamang sa mahigit isanglibo ang bilang ng nakaboto sa mga kababayang Pinoy sa Tokyo.
Ayon kay Manuel Lopez, Philippine Ambasador to Japan, nasa 11-libong Pinoy ang kasalukuyang naninirahan sa Japan.
“About 11K, maraming bumabalik sa amin na pinadadalhan ng COMELEC, bumabalik sa embassy kasi wala na dun yung mga pinadadalhan kaya medyo ang turn out dito its not as high as we will hopefully to be.” (UNTV News)