MANILA, Philippines – Patuloy pa rin ang isinasagawang medical effort ng pamahalaan at World Health Organization (WHO) sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Yolanda.
November 8, 2013 nang manalasa ang Bagyong Yolanda sa Central Visayas na itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa.
Tinatayang aabot sa 6,300 ang namatay, 28,698 ang sugatan at nasa halos 14-milyong mga kababayan natin ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyo.
Bumuhos ang tulong mula sa local at international community at organisasyon, at isa na rito ang World Health Organization.
Makalipas ang halos isang taon, tuloy-tuloy pa rin ang mga isinasagawang medical efforts ng WHO sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng kalamidad.
Sa datos ng WHO, aabot sa 150 foreign medical team ang naging katuwang ng mga Filipino health worker sa pagbibigay ng atensyong medikal sa ating mga kababayaan sa Visayas.
Nasa mahigit limang daang toneladang medical supplies at equipment din ang naibahagi ng samahan, at mayroon ding mahigit apat na raang personnel ang sinanay upang maging katuwang sa pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan sa lugar.
Habang nasa 1.8 milyong mga bata din ang nabakunahan kontra-tigdas.
Bukod pa rito ang patuloy na pagsasaayos ng mga medical facility partikular na ang mga paanakan, at pagbibigay ng pre and postnatal check up para sa mga buntis.
Naging katuwang din ang WHO sa pagbibigay ng malinis na inuming tubig sa pamamagitan ng mahigit tatlong daang sanitary inspectors sa Tacloban, Eastern Samar, Ormoc City, at iba pang probinsya ng Leyte.
Kabilang din sa mga tinututukan ng organisasyon ang pagbibigay ng mental health services.
Sa tala ng WHO, halos nasa 800-libo sa mga biktima ng bagyo ang nakaranas ng matinding depresyon, trauma at iba mang mental disorder.
Sa kasalukuyan ay nasa 80-libo pa ang hindi pa rin tuluyang nakakarekober sa kanilang mga sinapit sa pananalasa ni Yolanda.
Sa ngayon ay mayroong nakatalagang 300 community workers at 70 health professionals na siyang nangangalaga sa mental health at nagbibigay ng psychosocial support sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Aminado ang WHO na sa ngayon ay kakaunti na ang pondong nakalaan na magagamit para sa pagpapa-unlad ng health system sa susunod na taon.
Ayon kay WHO Philippine Representative Dr. Julie Hall, “We have a very small amount of funding that is available fot the first quarter of next year, and the request of the government that will be focused on support to health system strengthening, planning, the rebuilding, the mapping, and helping government to keep on track.”
Sa kabila ng nababawasan na ang mga tulong na nagmumula sa ibang bansa, umaasa ang WHO na patuloy na susuportahan ng pamahalaan ang mga health program upang lalo pang maitaguyod ang sistema ng kalusugan sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
“As we now see many of the international team withdrawing, a lot of international funding are now declining but the central funding flowing into the area so we hope the momentum for the rebuilding will continue and the repair work,” saad pa ni Dr. Hall. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)