MANILA, Philippines — Isinasagawa ngayong buwan ng Hunyo kasabay ng Father’s Day ang Prostate Cancer Awareness Month sa Pilipinas.
Ang prostate cancer ay isang uri ng sakit na kadalasang dumadapo sa mga kalalakihang may edad 50 pataas.
Ayon kay Dr. Omar Arabia, isang urologist, ito rin ngayon ang nangungunang sakit na cancer sa mga kalalakihan.
Ayon kay Dr. Arabia, ang sakit na prostate cancer ay hereditary o namamana, o kaya naman ay sporadic incident, ngunit maaari rin itong makuha sa paninigarilyo, at pag-abuso sa katawan.
“More on genetic hereditary ang number one and meron tinatawag namin na sporadic incidents ng prostate cancer para kang tinamaan ng kidlat, and yung mga usual culprits natin smoking, abuse ng body pangit ang immune system mo.”
Karaniwang sintomas ng sakit na ito ay ang madalas na pag-ihi sa gabi, paputol putol na ihi, ihi na may kasamang dugo at pananakit ng balakang.
Ngunit ayon sa mga dalubhasa, may mga paraan naman upang magamot ang prostate cancer pangunahin dito ang surgery, radiation therapy, hormone therapy, chemotherapy, biologic therapy, cryosurgery, high-intensity focused ultrasound, at proton beam radiation therapy.
Payo ni Dr. Arabia, kapag nagkaka-edad na ang lalaki ng 45-anyos ay dapat nang magpa-check-up sa doktor.
Bagama’t marami ng paraan para magamot ang prostate cancer, mas maigi pa rin daw ang maagang pag-papacheck up at maayos na pangangalaga sa katawan.
Nanawagan din si Dr. Arabia na sa darating na Sabado, June 15, bago ang pagdiriwang ng Father’s Day ay magbibigay sila ng libreng konsultasyon sa mga kalalakihan para sa kanilang prostate gland.
“Ngayon pong Saturday before Father’s Day ay national DRE program with almost major tertiary hospitals in the Philippines. Dito sa Manila 7:00am to 5:00pm po yan, punta lang kayo walang bayad yan.’
“We will be screening and you will interview tungkol sa symptoms ng pag-ihi at kung kakailanganin ng test ipapa-test din kayo at kung kakailanganin niyo ng gamot mabibigyan po kayo ng gamot,” pahayag pa ni Dr. Arabia. (Cecil Bodeña & Ruth Navales, UNTV News)