MANILA, Philippines — Inoobliga ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga gusaling nakakabit sa gas system ng Bonifacio Global City sa Taguig na ipasuri ang kanilang gas pipeline.
Ang direktiba ng DILG ay bunsod ng naganap na pagsabog sa 2 Serendra condominium sanhi ng gas leak na ikinasawi ng tatlo katao.
Ayon kay DILG Secretary Mar Roxas, ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Taguig City government ang maglalabas ng listahan ng mga iinpeksiyuning gusali.
Sa tala na nakuha ng mga otoridad, 61 gusali ang nakakabit sa gas system ng Global City at labindalawa dito ay residential buildings na may kabuoang 2,327 units.
Nasa 49 naman ang commercial buildings na may 258 establishments na gumagamit ng centralized gas system, karamihan ay mga restaurant.
Bukod sa mandatory checkup, obligado na rin ang mga gusali na maglagay ng sensor at detector na ikakabit sa isang automatic shutoff system.
“Yan ang standard, if gusto nilang tumuloy sa gas connection. Kung di eksperto ang nagkabit baka makasama pa, kaya need check.”
Target ng DILG na matapos ang check-up sa linya ng gas ng bawat building sa katapusan ng Hulyo.
Babala ni Roxas, sino mang hindi susunod sa naturang kautusan ay papatawan ng kaukulang aksyon sa ilalim ng fire code at Taguig City local code.
“We will shut them down. Ayon sa mga eksperto kahit konting gas maaring magbigay ng ganoon kalakas na puwersa.” (Victor Cosare & Ruth Navales, UNTV News)