MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Bureau of Immigration ang hiling na voluntary deportation ni Marc Sueselbeck, ang German fiancé ng pinatay na transgender na si Jeffrey Laude alyas “Jennifer”.
Sa ilalim ng voluntary deportation, otomatikong isasama sa blacklist ang German national at hindi na maaring makabalik pa sa bansa.
Ayon kay Bureau of Immigration Spokesperson Atty. Elaine Tan, dahil sa hiling na voluntary deportation ni Sueselbeck, siya na rin ang sasagot sa kanyang outbound ticket.
“Pagka deportation ay file voluntary deportation he is deemed to have accepted the charges admitted the charges against him and alam niya na malalagay siya sa blacklist,” paliwanag nito.
Ayon pa kay Tan, kailangan lang ipagbigay alam ni Sueselbeck sa kawanihan ang schedule ng kanyang flight pauwi ng Germany.
Kailangan din nitong makakuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa airport na ibibigay ang kaniyang passport na una nang kinumpiska ng kawanihan nang magtangka ang dayuhan na lumabas ng bansa noong Linggo kahit may reklamong inihain sa kaniya ang AFP dahil sa pagsampa nito sa perimeter fence at panunulak sa isang sundalong Pilipino sa Camp Aguinaldo.
Hindi naman kinontest ng AFP ang inihaing motion for voluntary deportation ni Sueselbeck sa BI noong Martes at hindi na rin ito sasampahan ng kaso.
Ayon kay Attorney Elaine Tan, maaari namang hilingin ni Sueselbeck na alisin siya sa blacklist makalipas ang ilang taon.
Una nang sinabi ng abogado ni Sueselbeck na nais ng dayuhan na makabalik ng bansa upang madalaw ang libing ng fiancé na si Jeffrey Laude alyas Jennifer, at malaman ang takbo ng kaso laban sa suspek na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)